Dinala ng nakasako at ipinambili ng motorsiklo…Si Tatay Lando at ang kanyang inipong mga sampung piso!

INIISIP ng iba na may nakakabit na garter sa wallet at pera mo dahil sa sobrang tipid mo. Pero ang totoo, madisiplina ka lang talaga sa pag-iipon. May iba kasi na hindi makapagtipid dahil napupunta lang lahat sa pagkain tapos magtataka kung bakit sila mataba. Pero, may isang tatay sa Nueva Ecija ang nakapag-ipon at nakabili ng isang motorsiklo!

Si Rolando Gapac o mas kilala bilang Tatay Lando, isang magsasaka at jeepney driver ay nakapag-ipon ng pera na ang halaga ay makabibili ng isang brand new motorcycle. Kuwento ng nagtatrabaho sa Wheeltech at siya ring nag-post sa Facebook na si Arlyn Cornes, itinanong ni Tatay Lando kung tumatanggap ba sila ng barya. Agad naman itong sinagot ng manager nito na kahit piso ay bibilangin nila at tatanggapin. Kaya agad kinuha ni Tatay Lando ang isang sakong punumpuno ng sampung pisong barya.

Ang bigat nito ay umabot ng 26kgs. At sa bawat kg. daw ay nagkakahalaga ng Php 1, 500.00. Inipon ito ni Tatay Lando ng halos dalawang taon. Naiipon niya ang mga bawat sampung piso kapag may nagbabayad na pasahero ng ganitong pera. Hindi raw ito ang unang pagkakataon na nakapag-ipon siya ng malaking halaga. Sa katunayan, nakabili na rin siya ng gulong ng kanyang jeepney at isang kabayo. Hindi alam ng kanyang pamilya na nag-iipon siya ng ganito kalaking halaga gamit lang ang mga barya. Sabi nga ni Rose Dicanay, isa sa mga anak ni Tatay Lando, hindi nila alam kung saan napupunta ang ilan sa mga kinikita ng kanyang ama at nagulat na lamang sila ng mag-uwi ito ng motorsiklo.

Umabot sa 2, 200 likes at 1, 600 shares ang post ni Ms. Cornes at hindi lang ‘yan, nabalita na rin siya sa isang TV Station.

Kaya naman, agad itong napansin ng Kawasaki Motors at inimbitahan si Tatay Lando sa kanilang opisina sa Muntinlupa noong October 20, 2016. Walang kaalam-alam si Tatay Lando na may sorpresang inihanda ang kumpanya. Hindi niya alam na bibigyan siya ng parangal dahil sa kanyang natatanging kasipagan sa pag-iipon at pagtitiyaga para makabili ng isang motorsiklo. Bukod dito, binigyan din siya ng grocery items, Kawasaki premium items at isang brand new sidecar! Hindi lang ‘yan, nakita pa niya ang kanyang idol na si Bayani Agbayani. Kasama rin ni Bayani ang kinatawan ng Kawasaki tulad nina General Managers of Sales Noel Carrera, Executive vice-president at Assistant to the president for finance and treasury na si Daisuke Hata at ang bagong president and chairman of the board na si Hisashi Nishizawa.Kaya kitang-kita sa kanyang mga mata ang kasiyahan pati na rin ang kanyang anak na kasama niyang lumuwas.

Sobrang nakaka-inspired talaga ang ginawa ni Tatay Lando. Siguradong maraming gaganahang mag-ipon kahit barya-barya pa ‘yan, basta napagsama-sama magiging isang malaking halaga. Pinatunayan lang ni Tatay Lando na walang imposible at kapag gusto, may paraan at kung ayaw ay maraming dahilan. Tunay ngang deserve ni Tatay Lando ang karangalang ito. Mabuhay ka Tatay Lando!

Hindi lang sa love may hugot… Mga malalalim na salitang hinugot pa sa kailailaliman!

MARAMING yaman ang ating bansa, anyong-lupa, anyong-tubig at mga yamang-lupa at dagat na dito lang makikita sa ‘Pinas. May mga pagkain din na only in the Philippines lang matitikman. Pero, alam n’yo ba na hindi lang tayo r’yan mayaman? Mayaman din tayo sa mga wika na may bilang na umabot sa 175. Ang astig,’di ba?

Hindi lang ‘yan, sa nauusong teknolohiya ngayon, marami na ring nauusong salita pero sa Ingles. May mga kulay na mas alam natin sa tawag na Ingles, hindi sa Filipino. Ngunit, may mga Filipinong salita pala nito, hindi lang nagagamit dahil mas nagagamit ang sa salitang Ingles.

Ito ang ilan sa mga salitang hindi natin masyadong nagagamit at mga salitang halos ngayon lang natin makikita o maririnig:

 

  1. ANGEP.Fog kung tawagin sa Ingles. Maraming ganito sa malalamig na lugar tulad ng Baguio at Tagaytay. Halimbawa, ang kapal ng angep kaninang madaling araw, hindi ko na matanaw ang ibang bahay.

 

  1. POOK-SAPOT.Madalas natin itong gamitin kapag nag-i-internet tayo, hulaan n’yo kung ano? Ito ay website sa Ingles. Halimbawa, kaya pala hindi mo makita ang hinahanap mo, mali ang pook-sapot na inilagay mo.

 

  1. PANG-ULONG HATINIG.Tuwing naiinip tayo sa biyahe, ito ang madalas nating hinahanap sa ating bag, alam n’yo na kung ano? Ito ay headset! Ang astig, ‘di ba? May Filipino pala nito. Halimbawa, maaari ko bang mahiram ang iyong pang-ulong hatinig?

 

  1. SULATRONIKO.Dati sulat ang ginagamit natin ngunit, mas pinadali na at sa simpleng click mo lang maipadadala na natin ang ating sulatroniko o email sa Ingles. Halimbawa, ngayon ko lang natanggap ang sulatroniko mo, maraming salamat sa paanyaya.

 

  1. MIKTINIG.Madalas gamitin ng mga artista, host o kumakanta para marinig sila ng malakas, ang microphone. Halimbawa, puwede bang pakilakasan ang tunog ng miktinig ko,  para marinig nila ako ng maayos?

 

  1. PANTABLAY.Lagi natin itong hinahanap ‘pag wala ng battery ang ating cellphone. Ito ay charger sa Ingles. Halimbawa, nakalimutan ko sa bahay ang pantablay ko, buti na lang may dala akong powerbank.

 

  1. SALAKAT.Madalas nating gamitin ang de-kuwatro, pero mas tama ang salitang salakat o pagkukrus ng binti. Halimbawa, ayusin mo ang pagkakaupo mo, huwag kang magsalakat.

 

  1. ULOP. Mist kung tawagin sa Ingles. Madalas itong mangyari sa madaling-araw. Ito ay tubig na kasama ng hangin o mas ginagamit natin dito ang hamog. Halimbawa, kita sa mga halaman ko ang ulop kaninang madaling-araw.

 

  1. ANLUWAGE.Ginagamit nating salita sa ngayon ay mga manggagawa o karpintero. Halimbawa, maghanap ka nga ng anluwage, sira na naman kasi ang pinto natin.

 

  1. DUYOG.Ito ay pangatlo sa series ng twilight saga, alam n’yo na? Ang Ingles nito ay eclipse. Halimbawa, mararanasan natin ang duyog sa isang araw at 9:00 ng gabi ito pinakamaganda.

 

  1. BALANGAW.Madalas itong lumalabas kapag umuulan habang maaraw. Sinasabi rin na sa magkabilang dulo nito ay may pot of gold, sa Ingles nito ay rainbow o mas kilala rin natin sa tawag na bahaghari! Halimbawa, may pitong kulay ang balangaw, ito ay ang red, orange, yellow, green, blue, indigo at violet.

 

  1. MABAYA.Kadalasang may suot ng ganitong kulay ay may birthday, ito ay kulay pula o red sa Ingles. Halimbawa, kulay mabaya na ‘yang pisngi mo sa sobrang kilig.

 

  1. MORADO.Ang Ingles nito ay purple. Halimbawa, ang ganda naman ng bag mo, kulay morado katerno ng sapatos mo.

 

  1. KALIMBAHIN.Madalas ganitong kulay ang unang binibili ng mga magulang sa kanilang magiging anak na babae. Sa Ingles nito ay pink. Halimbawa, ang ganda naman ng cake mo, kulay kalimbahin.

 

  1. MALAMAYA.O mas kilala natin bilang gray. Halimbawa, kulay malamaya ang ulap ngayon, magdala na tayo ng payong.

 

Sa ngayon kasi mas nagagamit na natin ang pak, ganern! Na naging laro na rin. Mas ginagamit na natin ang mga salitang nauuso na ngayon tulad ng conyo kung saan nagse-say ka ng mga words in taglish or enggalog para sosyal and para maganda to hear. May mga salita rin na pangkanto na ginagamit kadalasan kapag nasa kanto. Mga salitang ermats, erpats, na-julie vega, tomguts, epal, parak, yosi, kano, utol at marami pang iba. May mga salita rin ang mga beki o gay linggo tulad ng eklavu, babush, chaka, chopopo, jowa, kabog, pak, ganern! keri boom-boom at marami pang iba na kahit hindi ka beki ay nagagamit na rin dahil sa uso ito at ito na ang madalas naririnig hindi lang sa telebisyon kundi sa radyo at maging sa paligid. Kaya naman, maganda rin na malaman natin ang mga itinatagong salitang Pinoy na ginagamit dati. O, ‘di ba, pak, ganern na, winner, olanaps at waging-wagi ka pa sa mga salita?

TACLOBAN, PATULOY NA BUMABANGON MATAPOS ANG BAGYONG YOLANDA

HELLO Bulgarians! Hindi natin malilimutan ang trahedyang nangyari noong Nov. 8, 2013 sa mga kababayan natin sa Tacloban ng manalanta ang super typhoon ‘Yolanda’. Marami ang nagdalamhati hindi lang tayong mga Pilipino kundi ang buong mundo dahil idineklara itong isa sa pinakamalakas na bagyong humagupit sa atin. Kaya naman, marami ang nagbigay ng tulong saanmang sulok ng mundo. Nabuhay ulit ang ating bayanihan, kahit iba pa ang lahi.

3 taon na ang nakalilipas, unti-unti na ulit umaangat at bumabalik sa dati ang kanilang pamumuhay. Ipinakita lang nila rito na kahit ano pang bagyo o problema ang dumaan, hindi sila nito matitibag at hindi sila susuko kahit ano pa ang mangyari. Ngunit, sa mga kabataan, nahirapan silang kalimutan ito lalo na’t nakita nila ang kanilang mga kaklase at kaibigan na pumanaw at ang kanilang eskuwelahan na lugar kung saan nila binubuo ang kanilang mga pangarap.

Kaya naman, sa tulong ng Kapuso Village Integrated School (KVIS), isang proyekto ng GMA Kapuso ka-partner ang Hanabishi, binigyan nila ng eskuwelahan ang Bgy. Sto Niño, Tacloban noong Aug. 26, 2016. Ito ay may 24 classrooms sa 3 building na maaaring okupahin ng kinder hanggang Grade 6. Ang para sa high school naman ay magbubukas sa 2017.

Hindi lang ‘yan, nagbigay din ang Hanabishi ng mga ceiling fan, water dispenser at stand fan para sa bagong building.

Siguradong maraming matutulungan ang mga ibinigay ng KVIS at Hanabishi sa mga batang gustong makapagtapos ng pag-aaral. Akala ng iba, katapusan na ng bayang ito, pero sa mga nakatira rito, umpisa pa lang ito.

 

***

Mga katsika, abangan n’yo ang mga picture natin sa Instagram, i-follow n’yo ako -@msbulgarific o i-like ang aking Facebook page – https://www.facebook.com/Missbulgarific

xxx

For event invitations, please, email bulgarific@gmail.com at bulgarific@bulgar.com.ph

Got to go! It’s so Bulgarific!

XOXO