Dinala ng nakasako at ipinambili ng motorsiklo…Si Tatay Lando at ang kanyang inipong mga sampung piso!

INIISIP ng iba na may nakakabit na garter sa wallet at pera mo dahil sa sobrang tipid mo. Pero ang totoo, madisiplina ka lang talaga sa pag-iipon. May iba kasi na hindi makapagtipid dahil napupunta lang lahat sa pagkain tapos magtataka kung bakit sila mataba. Pero, may isang tatay sa Nueva Ecija ang nakapag-ipon at nakabili ng isang motorsiklo!

Si Rolando Gapac o mas kilala bilang Tatay Lando, isang magsasaka at jeepney driver ay nakapag-ipon ng pera na ang halaga ay makabibili ng isang brand new motorcycle. Kuwento ng nagtatrabaho sa Wheeltech at siya ring nag-post sa Facebook na si Arlyn Cornes, itinanong ni Tatay Lando kung tumatanggap ba sila ng barya. Agad naman itong sinagot ng manager nito na kahit piso ay bibilangin nila at tatanggapin. Kaya agad kinuha ni Tatay Lando ang isang sakong punumpuno ng sampung pisong barya.

Ang bigat nito ay umabot ng 26kgs. At sa bawat kg. daw ay nagkakahalaga ng Php 1, 500.00. Inipon ito ni Tatay Lando ng halos dalawang taon. Naiipon niya ang mga bawat sampung piso kapag may nagbabayad na pasahero ng ganitong pera. Hindi raw ito ang unang pagkakataon na nakapag-ipon siya ng malaking halaga. Sa katunayan, nakabili na rin siya ng gulong ng kanyang jeepney at isang kabayo. Hindi alam ng kanyang pamilya na nag-iipon siya ng ganito kalaking halaga gamit lang ang mga barya. Sabi nga ni Rose Dicanay, isa sa mga anak ni Tatay Lando, hindi nila alam kung saan napupunta ang ilan sa mga kinikita ng kanyang ama at nagulat na lamang sila ng mag-uwi ito ng motorsiklo.

Umabot sa 2, 200 likes at 1, 600 shares ang post ni Ms. Cornes at hindi lang ‘yan, nabalita na rin siya sa isang TV Station.

Kaya naman, agad itong napansin ng Kawasaki Motors at inimbitahan si Tatay Lando sa kanilang opisina sa Muntinlupa noong October 20, 2016. Walang kaalam-alam si Tatay Lando na may sorpresang inihanda ang kumpanya. Hindi niya alam na bibigyan siya ng parangal dahil sa kanyang natatanging kasipagan sa pag-iipon at pagtitiyaga para makabili ng isang motorsiklo. Bukod dito, binigyan din siya ng grocery items, Kawasaki premium items at isang brand new sidecar! Hindi lang ‘yan, nakita pa niya ang kanyang idol na si Bayani Agbayani. Kasama rin ni Bayani ang kinatawan ng Kawasaki tulad nina General Managers of Sales Noel Carrera, Executive vice-president at Assistant to the president for finance and treasury na si Daisuke Hata at ang bagong president and chairman of the board na si Hisashi Nishizawa.Kaya kitang-kita sa kanyang mga mata ang kasiyahan pati na rin ang kanyang anak na kasama niyang lumuwas.

Sobrang nakaka-inspired talaga ang ginawa ni Tatay Lando. Siguradong maraming gaganahang mag-ipon kahit barya-barya pa ‘yan, basta napagsama-sama magiging isang malaking halaga. Pinatunayan lang ni Tatay Lando na walang imposible at kapag gusto, may paraan at kung ayaw ay maraming dahilan. Tunay ngang deserve ni Tatay Lando ang karangalang ito. Mabuhay ka Tatay Lando!

Hindi lang sa love may hugot… Mga malalalim na salitang hinugot pa sa kailailaliman!

MARAMING yaman ang ating bansa, anyong-lupa, anyong-tubig at mga yamang-lupa at dagat na dito lang makikita sa ‘Pinas. May mga pagkain din na only in the Philippines lang matitikman. Pero, alam n’yo ba na hindi lang tayo r’yan mayaman? Mayaman din tayo sa mga wika na may bilang na umabot sa 175. Ang astig,’di ba?

Hindi lang ‘yan, sa nauusong teknolohiya ngayon, marami na ring nauusong salita pero sa Ingles. May mga kulay na mas alam natin sa tawag na Ingles, hindi sa Filipino. Ngunit, may mga Filipinong salita pala nito, hindi lang nagagamit dahil mas nagagamit ang sa salitang Ingles.

Ito ang ilan sa mga salitang hindi natin masyadong nagagamit at mga salitang halos ngayon lang natin makikita o maririnig:

 

  1. ANGEP.Fog kung tawagin sa Ingles. Maraming ganito sa malalamig na lugar tulad ng Baguio at Tagaytay. Halimbawa, ang kapal ng angep kaninang madaling araw, hindi ko na matanaw ang ibang bahay.

 

  1. POOK-SAPOT.Madalas natin itong gamitin kapag nag-i-internet tayo, hulaan n’yo kung ano? Ito ay website sa Ingles. Halimbawa, kaya pala hindi mo makita ang hinahanap mo, mali ang pook-sapot na inilagay mo.

 

  1. PANG-ULONG HATINIG.Tuwing naiinip tayo sa biyahe, ito ang madalas nating hinahanap sa ating bag, alam n’yo na kung ano? Ito ay headset! Ang astig, ‘di ba? May Filipino pala nito. Halimbawa, maaari ko bang mahiram ang iyong pang-ulong hatinig?

 

  1. SULATRONIKO.Dati sulat ang ginagamit natin ngunit, mas pinadali na at sa simpleng click mo lang maipadadala na natin ang ating sulatroniko o email sa Ingles. Halimbawa, ngayon ko lang natanggap ang sulatroniko mo, maraming salamat sa paanyaya.

 

  1. MIKTINIG.Madalas gamitin ng mga artista, host o kumakanta para marinig sila ng malakas, ang microphone. Halimbawa, puwede bang pakilakasan ang tunog ng miktinig ko,  para marinig nila ako ng maayos?

 

  1. PANTABLAY.Lagi natin itong hinahanap ‘pag wala ng battery ang ating cellphone. Ito ay charger sa Ingles. Halimbawa, nakalimutan ko sa bahay ang pantablay ko, buti na lang may dala akong powerbank.

 

  1. SALAKAT.Madalas nating gamitin ang de-kuwatro, pero mas tama ang salitang salakat o pagkukrus ng binti. Halimbawa, ayusin mo ang pagkakaupo mo, huwag kang magsalakat.

 

  1. ULOP. Mist kung tawagin sa Ingles. Madalas itong mangyari sa madaling-araw. Ito ay tubig na kasama ng hangin o mas ginagamit natin dito ang hamog. Halimbawa, kita sa mga halaman ko ang ulop kaninang madaling-araw.

 

  1. ANLUWAGE.Ginagamit nating salita sa ngayon ay mga manggagawa o karpintero. Halimbawa, maghanap ka nga ng anluwage, sira na naman kasi ang pinto natin.

 

  1. DUYOG.Ito ay pangatlo sa series ng twilight saga, alam n’yo na? Ang Ingles nito ay eclipse. Halimbawa, mararanasan natin ang duyog sa isang araw at 9:00 ng gabi ito pinakamaganda.

 

  1. BALANGAW.Madalas itong lumalabas kapag umuulan habang maaraw. Sinasabi rin na sa magkabilang dulo nito ay may pot of gold, sa Ingles nito ay rainbow o mas kilala rin natin sa tawag na bahaghari! Halimbawa, may pitong kulay ang balangaw, ito ay ang red, orange, yellow, green, blue, indigo at violet.

 

  1. MABAYA.Kadalasang may suot ng ganitong kulay ay may birthday, ito ay kulay pula o red sa Ingles. Halimbawa, kulay mabaya na ‘yang pisngi mo sa sobrang kilig.

 

  1. MORADO.Ang Ingles nito ay purple. Halimbawa, ang ganda naman ng bag mo, kulay morado katerno ng sapatos mo.

 

  1. KALIMBAHIN.Madalas ganitong kulay ang unang binibili ng mga magulang sa kanilang magiging anak na babae. Sa Ingles nito ay pink. Halimbawa, ang ganda naman ng cake mo, kulay kalimbahin.

 

  1. MALAMAYA.O mas kilala natin bilang gray. Halimbawa, kulay malamaya ang ulap ngayon, magdala na tayo ng payong.

 

Sa ngayon kasi mas nagagamit na natin ang pak, ganern! Na naging laro na rin. Mas ginagamit na natin ang mga salitang nauuso na ngayon tulad ng conyo kung saan nagse-say ka ng mga words in taglish or enggalog para sosyal and para maganda to hear. May mga salita rin na pangkanto na ginagamit kadalasan kapag nasa kanto. Mga salitang ermats, erpats, na-julie vega, tomguts, epal, parak, yosi, kano, utol at marami pang iba. May mga salita rin ang mga beki o gay linggo tulad ng eklavu, babush, chaka, chopopo, jowa, kabog, pak, ganern! keri boom-boom at marami pang iba na kahit hindi ka beki ay nagagamit na rin dahil sa uso ito at ito na ang madalas naririnig hindi lang sa telebisyon kundi sa radyo at maging sa paligid. Kaya naman, maganda rin na malaman natin ang mga itinatagong salitang Pinoy na ginagamit dati. O, ‘di ba, pak, ganern na, winner, olanaps at waging-wagi ka pa sa mga salita?

TACLOBAN, PATULOY NA BUMABANGON MATAPOS ANG BAGYONG YOLANDA

HELLO Bulgarians! Hindi natin malilimutan ang trahedyang nangyari noong Nov. 8, 2013 sa mga kababayan natin sa Tacloban ng manalanta ang super typhoon ‘Yolanda’. Marami ang nagdalamhati hindi lang tayong mga Pilipino kundi ang buong mundo dahil idineklara itong isa sa pinakamalakas na bagyong humagupit sa atin. Kaya naman, marami ang nagbigay ng tulong saanmang sulok ng mundo. Nabuhay ulit ang ating bayanihan, kahit iba pa ang lahi.

3 taon na ang nakalilipas, unti-unti na ulit umaangat at bumabalik sa dati ang kanilang pamumuhay. Ipinakita lang nila rito na kahit ano pang bagyo o problema ang dumaan, hindi sila nito matitibag at hindi sila susuko kahit ano pa ang mangyari. Ngunit, sa mga kabataan, nahirapan silang kalimutan ito lalo na’t nakita nila ang kanilang mga kaklase at kaibigan na pumanaw at ang kanilang eskuwelahan na lugar kung saan nila binubuo ang kanilang mga pangarap.

Kaya naman, sa tulong ng Kapuso Village Integrated School (KVIS), isang proyekto ng GMA Kapuso ka-partner ang Hanabishi, binigyan nila ng eskuwelahan ang Bgy. Sto Niño, Tacloban noong Aug. 26, 2016. Ito ay may 24 classrooms sa 3 building na maaaring okupahin ng kinder hanggang Grade 6. Ang para sa high school naman ay magbubukas sa 2017.

Hindi lang ‘yan, nagbigay din ang Hanabishi ng mga ceiling fan, water dispenser at stand fan para sa bagong building.

Siguradong maraming matutulungan ang mga ibinigay ng KVIS at Hanabishi sa mga batang gustong makapagtapos ng pag-aaral. Akala ng iba, katapusan na ng bayang ito, pero sa mga nakatira rito, umpisa pa lang ito.

 

***

Mga katsika, abangan n’yo ang mga picture natin sa Instagram, i-follow n’yo ako -@msbulgarific o i-like ang aking Facebook page – https://www.facebook.com/Missbulgarific

xxx

For event invitations, please, email bulgarific@gmail.com at bulgarific@bulgar.com.ph

Got to go! It’s so Bulgarific!

XOXO

Treatment sa hair, tanggal ang body odor, pimples, etc. 5 BENEPISYONG HATID NG APPLE CIDER VINEGAR

MUKHA-SIM na ba ang hitsura sa mga pimple na hindi maalis-alis? Super dry na ba ng hair at gusto ng makeover galor o nanakit ba ang lalamunan sa sold out concert mo sa banyo nung isang araw? Dagdag pa ang mga alagang hayop sa bahay na laging umiihi kung saan-saan at kung anu-ano ang nginangatngat?  Nakamumukha-sim nga naman talaga kung sabay-sabay itong mangyayari. Pero, don’t worry, may solusyon na r’yan! Mapapangiwi ka dahil sa tulong ng apple cider vinegar! Oo, true nga!

Ang Apple Cider Vinegar (ACV) kasi ay may ingredients na acetic, citric at malic acid na nakatutulong para puksain ang mga bacteria na nakasasama sa ating katawan. Ito rin ay antiviral, anti-inflammatory at antifungal. Bukod pa rito, nakapagpapababa rin ito ng blood sugar, ng timbang at ng cholesterol. Good source rin ito ng polyphenols na siyang nagpe-prevent sa mga cardiovascular disease, neurodegenerative disease tulad ng Alzheimer’s, osteoporosis at diabetes. Kaya naman, marami talaga ang nagagawa ng apple cider vinegar hindi lang sa ating katawan kundi maging sa bahay at sa mga alaga nating hayop. Anu-ano nga ba ito?

HABA-HABA HAIR, LIKE NO OTHER. Magba-bye na sa split-ends at hello shiny and gorgeous hair! Tanggal pa ang mala-flakes mong dandruff, sa tulong ‘yan ng ACV. Maaari itong haluin sa conditioner o kaya naman ay sa tubig. Lagyan lamang ito ng ¼ cup ng vinegar at saka ilagay sa buhok. Hayaan ng mga 2-3 mins. at banlawang mabuti. Maaari itong gawin ng twice a week, huwag araw-arawin dahil nakasasama ang sobrang vinegar sa ating balat na maging sanhi pa ng pagkasunog nito. Dahil dito, maa-achieve mo na ang magandang hair na parang model ng shampoo!

 TANGGAL ANG LAHAT NG BAD ODOR SA KATAWAN. Sa kilikili, paa, hininga? Tsupi lahat ‘yan sa apple cider vinegar! Lagyan lamang ng vinegar ang bulak at saka ipahid sa kilikili, hayaan ng mga 3-5mins. at saka banlawan.  Sa paa naman, ibabad sa tubig na may 2-3 tbps. vinegar. Imumog naman ang 1 tbsp. na vinegar na nakahalo sa tubig para mawala ang mabahong hininga. Nakatutulong din ito kung masakit ang lalamunan at mas lalong nakapuputi ng ngipin. O, ‘di ba, parang kape lang, 3 in 1? Bongga!

NGATNGAT DITO, NGATNGAT DOON. Ang mga alaga nating hayop, especially dogs na super magngatngat ng gamit natin tulad ng tsinelas, sapatos, charger, earphones at marami pang iba! Paano maiiwasan? Pahiran ang mga ito ng ACV, hindi nila type ang lasa nito, kaya hindi na nila uulitin ang pagngatngat ng kung anu-anong gamit sa bahay. Hindi lang ‘yan, maaari rin itong ipanlinis sa mga pinag-ihian nila. Bukod sa mawawala ang amoy nito, hindi na sila uulit pang umihi sa parehong spot dahil hindi na nila maaamoy ang dati nilang ihi. Galing!

ONLY ACV TOUCHES MY SKIN. Gagasta ng libo para magpa-derma? May murang paraan para mawala ang lahat ng ‘yan, pimples, wrinkles, kahit ang warts. Ang kailangan lang gawin ay lagyan ng ACV ang bulak at saka ipahid sa mukha. Oops! Huwag masyadong matagal dahil masama ‘pag nasobrahan dahil maaaring ma-irritate pa ang inyong skin. Nakatatanggal din ito ng age spots at mga toxin sa ating mukha. Para naman sa may mga warts, pahiran ito ng bulak na may ACV at lagyan ng maliliit na duct tape isa-isa. Hayaan ito overnight. Tanggalin kinabukasan, paalala na medyo mahapdi ito kaya dahan-dahan lang mga katsika.

NAKAPAGPAPAPAYAT. Tama mga katsika, nakatutulong din ito para makapagbawas ng timbang. Uminom lamang ng isang kutsarang vinegar sa isang araw. Isang epekto ng pag-inom nito ay ang pakiramdam ng pagkabusog. Kaya naman, bihira kang makararamdam ng gutom. Maaari ring kumain muna ng konti para mapigilan ang pagkain ng marami at mabusog agad.

Tandaan na hinay-hinay lamang sa paggamit ng ACV dahil may mga masasamang epekto rin ito kung tayo ay masosobrahan. Ilang halimbawa nito ay ang pagka-damage ng tooth enamel ‘pag nasobrahan dahil sa acid nito, maaari ring makaranas ng nausea kung hindi maganda ang nabiling ACV. Nasusunog din ang balat at lalamunan kung labis ang paggamit, kaya huwag natin itong ugaliin, nakatutulong ito ngunit, may bilang lang kung gaano katagal o kadalas itong gamitin sa ating katawan. Paalala rin na may allergic reaction ito sa ibang tao, kaya kung may iba ng naramdaman, huwag na itong ipagpatuloy. Kaya mga katsika, tiis-ganda sa asim nito at hinay-hinay sa pagpapaganda!

 

Credits to the photo:

Homemade Apple Cider Vinegar

MGA ESKUWELAHANG KALAHOK SA U-BELT 7 HUMATAW SA DANCE FLOOR

HELLO Bulgarians! Humataw na naman sa ika-7 taon ang mga kalahok ng U-Belt Intercollegiate Dance Competition sa Isetann Mall Recto noong Sabado, Aug. 27, 2016. Ang tema ngayong taon ay “Outside the Box” kung saan matutunghayan ang mga non-traditional at unusual dance choreography!

Mula sa 23 kalahok, sinala at pinili hanggang sa 8 eskuwelahan na lamang ang matira at maglalaban-laban sa finals. Kasama rito ang dalawang team sa EARIST Manila na Red Fox Dance Company at Foxy Ladies, ang City of Malabon University Phoenix Dance Troupe, San Sebastian College Recollect Dance Troupe, Adamson University Built As Crew, University of Makati Dance Xtreme, Far Eastern University (FEU) Dance Company at University of the East (UE) Street Warriors. Ipinakita nila ang kani-kanilang dance moves at nag-iinit ang dance floor sa kanilang projections.

Ilan sa mga criteria for judging ay ang uniqueness ng dance moves at dance steps na ‘tila isang barkadang nag-e-enjoy sa pagsayaw. Ang mananalo ay makatatanggap ng Haba Great Dance Move Award, trophy at P100, 000.00 cash prize para sa champion, P25, 000.00 naman para sa 1st runner-up at P10, 000.00 para sa 2nd runner-up na mula sa San Marino, CDO at Holiday Cheesedog.

 

Sa ipinamalas na galing ng EARIST Manila Red Fox Dance Company, sila ang itinanghal bilang U-Belt 7 champion ngayong 2016 na nakakuha ng score na 93.17. Hindi talaga maitatangging magagaling sila dahil sila rin ang champion noong nakaraang taon. Ang nakakuha naman ng 1st runner-up ay ang FEU FDC na nakakuha ng score na 89.00. Nasungkit naman ng San Sebastian College Recollect Dance Troupe ang 2nd runner-up na nakakuha ng score na 84.50. Sumunod dito ay ang EARIST Manila Foxy Ladies, University of Makati Dance Xtreme, Adamson University Built As Crew, City of Malabon University Phoenix Dance Troupe at ang University of the East (UE) Street Warriors.

Abangan natin next year ang mas lalo pang pinainit na dance floor at super exciting na U-Belt 8 sa temang “The 80’s Today”!

***

Mga katsika, abangan n’yo ang mga picture natin sa Instagram, i-follow n’yo ako -@msbulgarific o i-like ang aking Facebook page – https://www.facebook.com/Missbulgarific

xxx

For event invitations, please, email bulgarific@gmail.com at bulgarific@bulgar.com.ph

Got to go! It’s so Bulgarific!

XOXO

 

Credits to the photo: https://www.facebook.com/UBeltDance/photos/a.431863516936179.1073741827.431859050269959/933635653425627/?type=3&theater